Pinapurihan ng US Homeland Security ang Office of Cybercrime ng Department of Justice sa maigting nitong pagtulong para masakote ang isang Amerikanong akusado ng kasong child pornography.
Personal na iniabot ni US Attaché Ramon Avila kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang liham ng pasasalamat para sa aniya’y tremendous assistance ng DOJ sa pagwawakas ng kriminal na gawain ni Calvin Bernhardt.
Nahatulan ng US Federal Court si Bernhardt ng 5 counts of child pornography at child exploitation.
Pinatawan ang naturang amerikanong sex offender ng 25 taong pagkakakulong makaraang mapatunayang hinikayat niya ang mga menor de edad na mga Pilipino na gumawa ng mga malalaswang palabas gamit ang cyberspace.
Kaugnay nito, binalaan ni Aguirre ang mga gumagawa ng kahalintulad ng gawain ni Bernhardt na tutugisin sila at papapanagutin sa batas.
By: Avee Devierte / Bert Mozo