Ililikas na ng mga gobyerno ng Amerika at Japan ang kanilang mga nationals na nasa Wuhan City, China.
Isasakay ng Amerika ang mahigit 200 mamamayan nito kabilang ang ilang diplomats sa chartered flight bukas, Miyerkules, Enero 29, sa Tianhe International Airport at lalapag sa Ontario, California.
Ayon sa U.S. State Department, bago pa man umalis sa Wuhan ang eroplano ay isasailalim na sa screening process ang mga pasahero.
Samantala, ipinag-utos na rin ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang paglilikas sa 430 Japanese nationals nila sa Wuhan City at isasakay din sa chartered flight.
Tiniyak ni Abe ang pakikipag-ugnayan sa Chinese government para sa agarang paglilikas.
Ang Japan ay nakapagtala na ng apat na kumpirmadong kaso ng novel coronavirus.