Maglulunsad ang United States ng mga inisyatibo para matulungan at masuportahan ang Food Security at Digital Economy ng Pilipinas.
Kasunod ito ng pagbisita sa bansa ni US Vice President Kamala Harris nito lamang linggo na nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte-Carpio kahapon.
Ayon kay Harris, nakatakdang magsagawa ng food security dialogue ang US Department of Agriculture, USAID at US Department of State kasama ang Philippine counterparts.
Iginiit ng US VP na naging maganda ang ugnayan ng dalawang bansa, para sa pagbuo ng matibay na sistema sa pagkain at maibigay ang mahusay na paraan tungo sa pagbabago at pagpapanatili ng agrikultura.
Sinabi pa ni Harris na nakatakda ding maglabas ng $20m loan o katumbas ng mahigit P1.1B ang US International Development Finance Corporation (DFC) para sa pagpapalago ng mga pasilidad at produkto sa sektor ng agrikultura.
Bukod pa dito, target din ng US na maka-partner ang Philippine Telecom Operator na Now Telecom para sa deployment ng 5G Technologies sa Pilipinas na may layuning maibigay ang mas mabilis at mas maaasahang digital services.
Ilulunsad din ang kauna-unahang Low Earth Orbit Satellite Broadband Service sa Southeast Asia, sa pakikipagtulungan ng Spacex Starlink sa Pilipinas upang maitaas ang broadband internet access para sa mga Pilipino sa buong bansa.