May umiiral na deportation order laban kay Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, ang US Marine na nakapatay sa transgender woman na si Jennifer Laude.
Ito ang kinumpirma ni Justice Undersecretary at Spokesman Markk Perete kung saan agad aniyang ipatutupad ang paglilitis para sa deportation ni Pemberton, oras na makalaya ito ng Camp Aguinaldo.
Ayon kay Perete, alinsunod na rin ito sa standard operating procedure (SOP) ng Philippine Immigration Act of 1940 sa sinumang mga dayuhang nahatulan sa kasong pagpatay.
Dagdag ni Perete, nakikipag-ugnayan na rin ang Bureau of Corrections (BuCor) sa Bureau of Immigration(BI) kaugnay ng paglilipat ng kustodiya ni Pemberton.
Sinabi naman ni Immigration Commissioner Jaime Morente, naghihintay na lamang sila ng kautusan mula kay Justice Secretary Menardo Guevarra para sa susundin nilang panuntunan sa pagpapatupad ng deportation order laban sa US Marine.
Ipinag-utos ng Board of Commission ng Bureau of Immigration ang pagpapa-deport kay Pemberton noong September, 16 2015 dahil sa pagiging undesirable alien. —ulat mula kay Bert Mozo (Patrol 3)