Binawi ng Estados Unidos ang imbitasyon sa China para lumahok sa pinakamalaking pandaigdigang maritime exercise.
Ayon kay Lt. Col. Christopher Logan, Spokesman ng Pentagon, ito ang pauna nilang tugon sa patuloy na militarisasyon ng China sa South China Sea.
Mayroon anyang matibay na ebidensya na nagpadala ng anti-ship missiles, surface to air missile system at electronic jammers ang China sa pinag-aagawang bahagi ng Spratly Islands kung saan isa ang Pilipinas sa mga may inaangking teritoryo.
Pinuna ng Pentagon na nito lamang nakaraang linggo, lumapag sa mga isla at bahura sa South China Sea ang mga bombers mula sa air force ng China bilang bahagi ng kanilang training exercise sa pinag-aagawang rehiyon.
Dati nang lumalahok ang China sa Rim of the Pacific Exercise o RIMPAC na kinikilala bilang pinakamalaking international maritime exercise sa buong mundo na ginaganap tuwing Hunyo at Hulyo kada dalawang taon sa Hawaii.
—-