Nagpahayag ng pangamba ang Estados Unidos sa giyera ng pamahalaan ng Pilipinas kontra droga.
Ayon kay Elizabeth Trudeau, Spokesperson ng US State Department, naniniwala ang Estados Unidos sa rule of law, due process at pagrespeto sa universal human rights kayat nangangamba sila sa nangyayaring extrajudicial killings sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Trudeau na mas pangmatagalang seguridad sa loob ng isang bansa ang hatid ng mga prinsipyong pagsunod sa batas at due process.
Una nang sinabi ni US Secretary of State John Kerry nang bumisita sa Pilipinas na dapat tiyakin ng gobyerno ang proteksyon ng civil at human rights kahit sa gitna ng mga kampanya laban sa kriminalidad.
Day of action
Samantala, idineklara ng grupong Anakbayan ang August 11 bilang “Day of Action” laban sa extrajudicial killings na tila anila resulta ng idineklarang giyera ng Duterte administration sa illegal drugs.
Ayon kay Vencer Crisostomo, National Chairman ng Anakbayan, bagamat kapuri-puri ang kampanya ng Duterte administration laban sa illegal drugs, hindi nila maiwasan ang ma alarma sa paraan ng awtoridad para ipatupad ito.
Nakakatakot anya ang scenario na kung sino ang may hawak ng baril ay siya na ang nagsisilbing hukom.
Sinabi ni Crisostomo na bagamat dapat talagang parusahan ang mga criminal hindi na puwedeng mapatunayan kung nagkasala ito o hindi kung basta na lamang siya papatayin.
Binigyang diin ni Crisostomo na problematic rin ang tila double standard na kampanya dahil ang mga mahihirap ay basta na lamang pinapatay samantalang ang mga may pera at impluwensya ay binibigyan pa ng deadline para sumuko.
By Len Aguirre