Aabot sa P50M na halaga ng relief assistance ang inilaan ng U.S. Government para sa pagbangon ng mga komunidad na sinalanta ng bagyong Odette.
Ayon kay U.S. Embassy in the Philippines Chargé D’affaires Heather Variava, ang naturang halaga ay karagdagan sa inisyal na ayudang nagkakahalaga ng P10M o $200K noong isang linggo.
Layunin ng dagdag-tulong mula sa U.S. Agency for International Development (USAID), sa pakikipagtulungan sa World Food Programme (WFP), na makapagbigay ng 4 na Emergency Logistics Hubs sa Surigao del Norte na paglalagakan ng mga ipamamahaging relief supplies.
Maghahatid din ang WFP ng pagkain mula sa gobyerno ng Pilipinas para sa mga biktima ng bagyo at tutulong sa pagsasaayos ng Telecommunications networks.
Magugunitang nagbigay din ang USAID Partner Action against Hunger ng pagkain, tubig, hygiene kits at iba pang relief supplies sa mga apektadong komunidad sa Surigao del Norte at Dinagat Islands. —sa panulat ni Drew Nacino