Nagpaabot ng pagbati ang Estados Unidos sa matagumpay na operasyon ng Armed Forces of the Philippines o AFP na ikinasawi ng mga lider ng Maute – ISIS Group na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.
Ayon kay US Embassy Spokesman Molly Koscina, suportado ng Amerika ang counterterrorism efforts ng AFP sa Mindanao sa pamamagitan ng intelligence, surveillance at reconnaissance capabilities maging ang iba pang technical assistance.
Kasabay nito, tiniyak ng Amerika ang patuloy na pakikipagtulungan at ugnayan sa Pilipinas para labanan ang terorismo.
Samantala, idineklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw na malaya na ang Marawi City sa grupong Maute.
Kasunod na din ito sa pagkakapatay sa lider ng grupong Maute na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon sa main battle area ng lungsod noong Lunes, Oktubre 16.