Nananatiling matatag ang ugnayan ng Estados Unidos at Pilipinas.
Ito ang binigyang diin ng Deputy National Security Director ni US President Barack Obama na si Ben Rhodes.
Ginawa ni Rhodes ang pahayag matapos umatras si Obama sa nakatakda sana nitong pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Laos.
Sinasabing wala nang magaganap na formal meeting sa pagitan nina Duterte at Obama pero posible umanong magkaroon ng isang short conversation ang dalawang lider.
Sa halip na humarap kay Duterte, nakipagpulong kay South Korean President Park Geun-Hye si Obama, isang araw matapos magpakawala ng tatlong medium-range missile ang North Korea.
Iginiit naman ni Rhodes na nakatuon lamang ang atensiyon ng lahat sa mga komento ng isa’t-isa at hindi sa substantive agenda ng bilateral meeting.
Matatandaang kinansela ng White House ang itinakdang pakikipag-meeting sana ni Obama kay Duterte kasunod ng maaanghang na pahayag ng Pangulo ng Pilipinas laban sa US Leader.
By Jelbert Perdez