Suportado ng Estados Unidos ang Pilipinas sa iginigiit nito sa China na respetuhin ang International Law of the Sea sa West Philippine Sea.
Sa gitna ito nang napaulat na muling pagkukumpulan ng mga Chinese vessel sa pinag-aagawang karagatan, kamakailan.
Ayon kay US State Department Spokesman Ned Price, ang pagkalat ng mga Chinese vessel sa bahagi ng Iroquois Reef at Sabina Shoal sa Spratly Islands ay panghihimasok sa hanapbuhay ng mga mangingisdang Pinoy.
Isa rin anya itong “repleksyon nang patuloy na pagbaliwala ng Tsina sa karapatan ng ibang claimants na nag-o-operate rin sa pinag-aagawang karagatan.
Aminado naman si Price na kabahagi rin ng Pilipinas ang Amerika sa paghahayag ng pangamba sa peligrosong paghaharap ng China Coast Guard at Philippine Navy sa South China Sea na ipinakita sa video sa Senado.
Partikular na tinukoy ng U.S. official ang privileged speech ni Senador Francis Tolentino na nagpakita sa video ng Chinese Coast Guard na kumuha ng isang rocket debris mula sa Philippine Navy sa Pag-asa Island na bahagi ng territorial waters ng Pilipinas.