Nanindigan ang Estados Unidos na tuloy pa rin ang kanilang pagpapatrolya sa karagatan at airspace ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ay sa kabila ng pagbabanta at pagtaboy ng China sa surveillance plane ng Amerika.
Ayon kay US Assistant Secretary of State for East Asia Affairs Daniel Russel, tama ang kanilang reconaissance flight.
Kasabay nito, tiniyak ng Estados Unidos na malayang makakagalaw ang ibang bansa sa international waters.
Pagsiklab ng giyera?
Samantala, nangangamba si dating Sen. Panfilo Lacson sa posibleng pagsiklab ng giyera, matapos itaboy ng Chinese Navy ang surveillance plane ng Amerika sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lacson, maaaring pagmulan ng armadong komprontasyon, ang anumang agresibong hakbang ng dalawang bansa.
Dahil dito, umaasa si Lacson na bibigyang kunsiderasyon ng Pangulong Noynoy Aquino ang pagpapatawag sa National Security Council, upang mapaghandaan ang anumang posibleng implikasyon ng naturang insidente.
Binigyang diin ni Lacson na ang pagpapatrolya ng Amerika at ang pagpapalabas sa international media ng ginawang pagtataboy dito, ay pagpapadala ng malinaw na mensahe na maaari itong magkaroon ng seryosong geo-political at security implication.
By Ralph Obina | Katrina Villanoy | Cely Bueno (Patrol 19)