Mahigit kalahati ng mga Pilipino ang nais na tutukan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang trabaho at pagtaas ng presyo ng bilihin sa kanyang State of the Nation Address o SONA.
Sa survey na isinagawa ng Pulse Asia, pinapili sa tatlong issues ang may 1,800 respondents kung ano ang nais nilang marinig sa SONA ng Pangulo.
Limampu’t anim (56) na porsyento ang nagsabing nais nilang talakayin ng Pangulo ang tungkol sa trabaho samantalang 52 porsyento ang tungkol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Isa sa bawat tatlong respondents ang nais namang tutukan ng Pangulo ang pagsugpo sa kahirapan samantalang ang iba ay nais na maresolba ang kontraktuwalisasyon.
West Philippine Sea
Isasama ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address ang isyu ng West Philippine Sea.
Tugon ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa panawagan ni acting Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio na ilatag ng Pangulo kung ano ang gagamitin niyang istratehiya para harapin ang China sa pangangamkam nito sa West Philippine Sea.
Ayon kay Roque, nasa talumpati ng Pangulo ang West Philippine Sea at titiyakin niyang muli sa sambayanan na hindi natin ipinamimigay ang ating teritoryo.
Gayunman, sinabi ni Roque na bagamat naninindigan ang Pilipinas sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa West Philippine Sea, may mga bagay na dapat munang isantabi dahil hindi ito madaling resolbahin.
‘Bulgar na Pangulo’
Samantala, masyadong bulgar para sa karamihan ng mga Pinoy ang Pangulong Rodrigo Duterte sa tatlong okasyon.
Batay sa isinagawang survey ng Social Weather Stations o SWS, bulgar ang tingin ng 52 porsyento ng mga Pilipino sa paghalik ng Pangulo sa isang Pilipina sa Seoul South Korea samantalang 40 porsyento ang kumontra.
Kabilang pa sa mga insidente na bulgar sa pananaw ng mas nakararaming Pilipino ay ang pagmumura ng Pangulo sa mga miyembro ng United Nations Human Rights Council na pinagbantaan pa niyang ipakain sa mga buwaya at sa pambabatikos at pambabastos ng Pangulo sa mga pari.
—-