Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isyung politikal ang malaking problema ng bansa, na siyang ugat ng dibisyon o pagkakahati-hati ng mga Pilipino.
Ayon sa pangulo, marami na ang nabulag at hindi na nakita ang mas ikabubuti para sa nakararami dahil talamak na partisan sa larangan ng pulitika sa Pilipinas.
Hindi na aniya naisip ang kapakanan ng mga Pilipino, bunsod ng lagi na lamang ang kani-kanilang partido, kandidato at mga sariling kagustuhan ang ipinaglalaban.
Giit ni Pangulong Marcos Jr., dapat nang mabago ang ganitong mga pag-iisip dahil walang patutunguhan ang bansa kung walang nais na magpalugi o magpakumbaba.
Mahirap ang mabigo, pero kung para aniya sa ikabubuti ng mas nakararami, dapat itong tanggapin ng maluwag, at makiisa na lamang na abutin ang mithiin ng bawat Pilipino na umunlad ang ating bayan.
Ito ani Pang. Marcos Jr. ang ehemplo ng isang mabuting lider.
Pero aminado ang punong ehekutibo na hindi lahat makikita ang mga magagandang nagawa o ginagawa ng isang taong gobyerno, dahil sa nananatili pa rin ang partisan mindset.
Gayunman, binigyang-diin ni Pang. Marcos Jr. na nasanay na sya sa ganitong takbo ng pulitika sa bansa, gayundin ang kanyang pamilya. – sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)