Opisyal nang nanumpa bilang pangalawang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa legislative at liaison si Rowena “Niña” Taduran.
Kasunod nito ay nagpaabot ng pasasalamat si taduran kay DSWD Secretary Erwin Tulfo sa pagtatalaga sa kanya sa posisyon, kasabay ng pagtiyak na ang lahat ng mga pangangailangan ng mamamayan ay maisasama sa mga tatalakayin sa kongreso at senado upang maisabatas.
Mababatid na hindi na bago kay Taduran ang direktang pagtulong sa mga mamamayan makaraan ang tatlong taon nitong personal na pagtugon sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic at may iba pang problemang pangkalusugan noong siya ay representante ng ACT-CIS Party-List.
Samantala, hindi lamang magiging aktibo sa paggawa at pagpapatupad ng mga polisiya si Taduran, kundi maging sa pagsasagawa ng mga misyon para sa mga nangangailangan.