Isang emergency meeting ang isasagawa ng UST Alumni Association Incorporated ngayong linggo sa gitna na rin nang tumitinding batikos sa pagbibigay nito ng award kay Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson.
Ayon kay USTAAI President Henry Tenedero, hindi niya uubrang bawiin ang award kay Uson dahil kailangang mag-convene ang board ng alumni sa isang emergency meeting para pag-usapan ang isyu.
Tiniyak ni Tenedero ang aniya’y isang nakikinig na board at kung anuman ang maging pasya nito ay susundin nila.
Kasabay nito, inihayag ni Tenedero na handa namang magbitiw ang mga opisyal ng alumni association dahil pawang initiative lamang nila ang mga programang ginagawa nila at hindi funded ng administrasyon.
Magugunitang umalma ang mga dati at kasalukuyang estudyante ng UST gayundin ang official publication nitong The Varsitarian sa nasabing hakbang ng alumni association kaya’t isinulong hindi lamang ang pagbawi sa naturang award kay Uson kundi ang resignation ng mga opisyal ng grupo.
—-