Iginiit ngayon ng abogado ng pamilya Castillo na si Atty. Lorna Kapunan na dapat imbestigahan rin ng PNP o Philippine National Police si University of Santo Tomas (UST) Faculty of Law Dean Nilo Divina sa kaso ng pagkamatay ng hazing victim na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Ayon kay Atty. Kapunan, mayroong direktang pananagutan ang mga opisyal ng pamantasan sa regulasyon ng Anti-Hazing Law.
Giit pa ni Kapunan, kung talagang inosente si Divina, dapat ay pinaimbestigahan agad nito ang sinapit ni Atio sa hazing.
Maliban dito, dapat nagtalaga din aniya si Divina ng mataas na opisyal na sumubaybay sana sa isinigawang initiation rites ng Aegis Juris fraternity.
Suportado naman ni Kapunan ang panukalang tuluyan nang ipagbawal ang lahat ng uri ng hazing mapa–pisikal man o emosyonal.
Guwardya ng gusali na kung nasaan ang Aegis Juris library kukunan ng testimonya
Nakatakdang kuhanan ng testimonya ang guwardya ng gusali kung saan matatagpuan ang tanggapan ng Aegis Juris fraternity sa Laon-Laan sa Sampaloc, Maynila.
Ayon sa MPD o Manila Police District, malaki ang maitutulong ng testimonya ng naturang guwardyang naka-duty noong mangyari ang initiation kay Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Samantala, bagama’t sampung (10) araw na epektibo ang search warrant sa naturang library tinanggal na ng mga pulis ang police line at ibabalik na ang kustodiya sa caretaker ng gusali.