Inanunsyo ngayon ng University of Santo Tomas o UST ang kanilang desisyon na i-expel o sipain ang kanilang walong law students na nasasangkot sa pagpatay sa hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III noong nakalipas na taon.
Matatandaang natagpuan na lamang na patay ng kanyang mga magulang ang 22 anyos na si Atio sa isang morgue sa Maynila noong September 2017 matapos dumalo sa welcome rites ng Aegis Juris Fraternity sa loob ng unibersidad.
Ginawa ng UST Committee ang pag-expel sa kanilang walong civil law students matapos mapatunayang lumabag ang mga ito sa code of conduct and discipline ng unibersidad.
Ayon sa ilang opisyal ng UST student publication, mananatiling kaisa ng pamilya Castillo ang buong unibersidad sa paghahanap ng katarungan hinggil sa pagkamatay ni Atio.
Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng supreme court sa disbarment case ng kilalang Aegis Juris alumni na si UST Law Dean Nilo Divina at ng dalawampung (20) iba pa, matapos madawit sa isyu ng ‘cover up’ sa Castillo hazing incident.