Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na hindi makakalusot ang mga responsable sa pagpatay kay Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio Nueva Ecija.
Ayon kay Chief Superintendent Benigno Durana Jr., Spokesman ng PNP, maliban sa extrajudicial confession ng mga nahuling suspected gunmen, tumugma rin ang mga baril na nakuha sa kanila sa baril na ginamit sa pagpatay kay Mayor Bote.
Sa ngayon ay tinutugis na ng pulisya ang iba pang suspect at ang hinihinalang mastermind na si Christian Saquilabon.
Una nang nadakip ng PNP ang suspects na sina Florencio Suarez at Robert Gumatay samantalang sumuko naman ang driver nila na kinilalang si Arnold Gamboa.
“Na-established natin na itong mga dala nilang baril ay ginamit sa pagpaslang kay Mayor Bote so we have a very strong faith against the gunmen kaya wala na silang masabi kundi to confess to the crime and at the same time ituro ang nagbayad sa kanila, ‘yung mastermind sa pagpatay kay Mayor Bote.” Pahayag ni Durana
‘Worth P25,000′
Dalawampu’t limang libong piso (P25,000) ang di umano’y naging katapat ng buhay ni Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija.
Nakapaloob di umano ito sa extrajudicial confession ni Florencio Suarez, isa sa mga suspected gunman na pumatay kay Bote.
Si Suarez at isang Robert Gumatay rin ang di umano’y nagturo kay Christian Saquilabon na siyang nagbayad sa kanila para patayin si Bote.
Ayon kay Chief Superintendent Amador Corpuz, hepe ng Central Luzon PNP, ang 96 milyong pisong construction project sa Minalungao Eco-Tourism Park sa Nueva Ecija ang tinitignan nilang ugat ng pagpapatumba kay Bote.
Sinasabing pinahihirapan di umano ni Bote si Saquilabon sa pagkuha ng mga kilangang permit para sa proyekto matapos niyang talunin ang kumpanya ng alkalde sa bidding.
(Ratsada Balita Interview)