Madaragdagan pa ng apat na taon o hanggang 2019 ang buhay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4 P’s ng pamahalaan.
Ito’y makaaraang aprubahan ng World Bank ang 450 milyong dolyar o katumbas ng P21 bilyong loan o utang ng Pilipinas.
Sa pahayag ng World Bank, sinabi nitong sasakupin ng nasabing loan ang 7 porsyento ng kabuuang gastusin sa pagpapatupad ng 4P’s na kilala rin bilang Conditional Cash Transfer Program.
Ngunit ayon kay Cecilia Vales, Acting Country Director for the Philippines ng World Bank, bagama’t matibay ang kanilang suporta sa CCT, nilinaw naman nito na malaking bahagi pa rin ng 4P’s ay magmumula sa taunang pambansang budget.
Batay sa tala ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, aabot sa mahigit 4 na milyong mahirap na pamilya ang nakikinabang sa naturang programa kabilang na ang mga kabataang tinatayang nasa 11 milyon.
By Jaymark Dagala