Mariing itinanggi ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) na nagpalabas sila ng kautusan para i-boycott o huwag tangkilikin ang ilang media entities.
Ito’y makaraang kumalat sa social media ang post ng isang Israel Nono Ponce na nagpalabas umano ng tagubilin ang pamamahala para huwag tangkilikin ang ABS-CBN, Rappler at Inquirer.
Nakasaad sa post ni Ponce na sinisira umano ng mga nabanggit na media entities ang pangalan ng Iglesia kaya’t tiyak na mahaharap sa pagdidisiplina ang sinumang susuway sa utos ng pamamahala.
Ngunit ayon sa tagapagsalita ng INC na si Bro. Edwil Zabala, hindi totoo ang mga kumakalat na balita.
Nauunawaan aniya nila ang sentimiyento ng kanilang mga kapatid sa Iglesia na nagpopost ng kanilang hinanakit.
Gayunman, nilinaw ni Zabala na walang ipinalalabas na sirkular ang pamunuan ng Iglesia hinggil sa usapin.
By Jaymark Dagala