Idinepensa ni Department of Interior and Local Government o DILG Undersecretary Martin Diño ang direktiba niya sa mga barangay kapitan na isumite ang pangalan ng mga drug personalities at pinaghihinalaang mga kriminal sa kanilang nasasakupang barangay.
Ayon kay Diño, dadaan naman sa masusing verification ang isusumite sa kanilang listahan.
Maliban rin aniya sa mga barangay, may mga report din galing sa non-government organizations at simbahan kung saan puwede nilang ikumpara ang listahan ng barangay.
Una rito, nagbabala si Diño na sisibakin ng DILG ang sinumang barangay kapitan na mabibigong magsumite ng listahan ng mga adik at kriminal sa kanilang lugar sa loob ng isang buwan.
“Kapag hindi ninyo nasunod eh siyempre hindi naman puwedeng we will wait forever, dapat yan in a month time, halimbawa sa 1st week hindi niyo na-submit ay meron na kayong warning, on the 2nd week, meron nang suspension or on the 3rd week or in a month na hindi pa rin kayo sumusunod sa utos ng DILG, siguro gagamitin naman namin ang aming poder na palitan kayo sa puwesto, negligence yan eh.” Pahayag ni Diño
Unconstitutional?
Samantala, iginiit naman ng isang abogado na labag sa batas ang direktiba ni Interior Undersecretary Martin Diño ukol sa pagsusumite ng mga barangay officials ng listahan ng mga drug personalities at suspected criminal sa kanilang komunidad.
Ayon kay Atty. Gilbert Andres ng Center for International Law, “unconstitutional” ang kautusan na ito ni Diño dahil wala naman kakayahan ang mga opisyal ng barangay na berepikahin ang anumang natatanggap na sumbong ng mga ito.
Paliwanag ni Andres, pangunahing pinagkukuhanan ng mga pangalan ng sangkot sa paggamit o pagbebenta ng illegal na droga sa mga komunidad ay ang mga ipinapadalang impormasyon dito gaya ng mga nanggagaling sa drop box.
Pangamba ni Andres, maaaring nagamit ang drop box sa maling paraan kung saan maaaring ilagay sa kahon ang pangalan ng sinuman na kanilang nakaalitan.
–Arianne Palma/ Ratsada Balita Interview