“Long overdue na ngunit kailangan pa rin”.
Ganito inilarawan ni dating Bayan Muna Party-List Representative Carlos Zarate ang inilabas na executive order ni Pangulong Ferdinand Marcos jr. kaugnay sa total POGO ban sa Pilipinas.
Ayon kay dating congressman Zarate, huli na ang kautusan ng pangulo ngunit mahalaga pa rin ito upang mapangalagaan ang interes ng bansa gayong naging pugad na ang pogo ng iba’t ibang krimen.
Dapat naman aniyang pagtuunan ng pamahalaan ngayon ang pagbibigay ng tulong sa mga nawalan ng trabaho, pilipino man o dayuhan na na-biktima ng human trafficking.
Binigyang-diin pa ng dating kongresista na bagama’t welcome sa kanila ang kautusan, hindi dapat maiwan sa ere ang mga apektado ng pagsasara ng industriya.
Bukod sa maayos na transition program tulad ng pagbibigay financial assistance, job placement, at skills training, hiniling din ng dating opisyal na alalayan ng pamahalaan ang mga ito ng psychological counseling. – Sa panulat ni Laica Cuevas