Humihirit ang isang grupo ng mga UV express driver at operator ng dagdag-singil sa pasahe.
Batay sa inihaing petisyon ng grupong Code X sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kanilang hinihiling ang P2.00 kada kilometrong dagdag singil mula sa kasalukuyang P2.00 kada kilometrong pamasahe.
Ayon kay Lino Marable, pangulo ng Code X, hindi na nilang kayang pasanin ang bigat sa pagtataas ng presyo ng mga produktong perolyo dulot ng excise tax.
Idinadaing din ng grupo ang pagtaas sa presyo ng mga spare parts at mga bagong sasakyan gayundin ang matinding trapiko.
Bukod sa mahigit 10,000 mga UV express operator at driver, miyembro din ng grupong Code X ang mga tricycle at airport taxi driver kung saan pinag-aaralan na din ang dagdag singil ng mga ito.
Samantala, itinakda naman ng LTFRB ang pagdinig sa fare hike petition ng Code X sa Marso 6.
—-