Papayagan nang makabiyahe sa mga lansangan sa Metro Manila simula sa susunod na lingo ang mga UV Express units at traditional jeepneys.
Ipinabatid ito ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III sa isinagawang virtual meeting ng house committee on Metro Manila development matapos atasan ng mga mambabatas ang ahensya na magbigay ng eksaktong petsa kung kailangan uubra nang lumarga ang mga UV Express at traditional jeepneys.
Ayon kay Delgra, una munang makakapasada ang mga UV Express at unti-unti ay makakabiyahe naman na ang traditional jeepneys dahil mayroon silang sinusunod na hierarchy sa ‘go signal’ sa public transportation para muling makapag-operate matapos suspindihin dahil sa deklarasyon ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ang hierarchy aniyang tinutukoy niya ay preference sa mayroong mas malaking kapasidad na makapagdala ng pasahero mula point A patungong point B bukod pa sa kapasidad din ng operators na mapangasiwaan ang kanilang units.