Binanatan ng Volunteer’s Against Crime and Corruption o VACC si Vice President Leni Robredo kaugnay sa mga akusasyon nito laban sa kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno.
Ayon kay VACC Founding Chairman Dante Jimenez, walang batayan si Robredo sa ipinadala nitong video sa United Nations o UN kung saan inakusahan nito ang PNP o Philippine National Police na pawang mahirap ang pinapatay.
Sinupalpal din ni Jimenez ang Bise Presidente sa issue umano ng “Palit-Ulo” Scheme kung saan ang mga kaanak ng drug personality ang inaaresto kung hindi matagpuan ang suspek.
Ipinakikita lamang anya ni Robredo sa mundo na walang gobyernong namamahala sa Pilipinas at sinisira rin ng pangalawang Pangulo ang imahe ng bansa.
Ipinunto rin ni Jimenez na maituturing na pagtataksil sa bayan ang ginawa ni Robredo at bilang halal na opisyal ng pamahalaan ay may katumbas itong parusa.
By Drew Nacino |With Report from Aya Yupangco