Hindi napigilan ni VACC o Volunteers Against Crime and Corruption Chairman Dante Jimenez na magpahayag ng kanyang galit sa nangyaring Bulacan Massacre noong Martes.
Sa panayam ni Jaymark Dagala sa programang ‘Balita Na, Serbisyo Pa’ ng DWIZ, sinabi ni Jimenez na hindi kapani-paniwala na mag-isa lamang na ginawa ng suspek na si Carmelino Navarro Ibañes ang naturang krimen.
Ito ay makaraang mapag-alaman rin umano ng mga otoridad na nagtamo ng 45 saksak ang ina ng tahanan na si Estrella.
Ani Jimenez, mismong ang padre pamilya na si Dexter Carlos Sr. na rin ang naniniwala na may kasama ang umaming suspek.
“Nakita mo yang saksak na yan? Maniniwala kaba diyan na siya laang ang gumawa ng krimen na yan?”
“Sabi nga ni Dexter sa amin, siya ay naniniwala hindi lang yang h***p na Carmelino na yan ang gumawa nyan kasi marami pong pinagdududahan si Dexter na nagungursunada sa asawa niya dahil nag-iigib nga ng tubig”
Ipinabatid rin ni Jimenez na hindi maaaring isara agad ang naturang kaso kahit pa nahuli na ang suspek.
Ito ay dahil hindi pa umano tapos ang imbestigasyon kaugnay sa motibo ng pangri-rape at wala pang lumalabas na resulta sa ginawang eksaminasyon sa mga biktima.
Kasabay nito, pinayuhan ni Jimenez ang mga otoridad na maghinay-hinay sa naturang kaso.
“May balita kami, case is closed daw, oh, ano yan? Bat kayo nag-aapura?”
“Wala pa nag yung forensic examination, wala pa yung case, yung rape motive”
“2 ang ni-rape niya, pinagsasaksak niya. That’s why dapat maghinay-hinay sila, siguraduhin nila.”
Kaugnay nito bibigyan anya ng VACC ng legal assistance at moral support si Carlos.
Gayunpaman, marami pa umano silang dapat linawin sa mga otoridad katulad ng pagbibigay pahayag ng suspek na wala umanong kasamang abogado.
Ani Jimenez, mahalagang malinaw muna ang mga ganitong bagay dahil maaaring magkaroon ng technical problem sa pagresolba ng naturang kaso.
“Tututukan po naming ito, pero may mga bagay pa na dapat maklaro natin sa pulis dahil ang balita namin, eh itong suspek eh di umano’y was not assisted by a lawyer during the giving of statement. So, ‘yan ay baka ma-technicality tayo”
Jimenez sa mga kumukontra sa ‘War on Drugs’ ng Duterte Admin
Binuweltahan ni VACC Chairman Dante Jimenez ang mga kumukontra sa kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.
Ito ay matapos ang nangyaring Bulacan Massacre kung saan gumagamit umano ng iligal na droga ang umaming suspek ng naturang krimen.
Hinamon naman ni Jimenez si UN o United Nations Special Rapporteur Agnes Callamard na bumalik ng bansa at gumamit ng shabu.
“Hamunin natin siya, pumunta siya dito.”
“Mag droga, mag-shabu siya rito.”
Matatandaang nagpahayag ng pagtutol si Callamard sa ‘war on drugs’ ng administrasyon dahil wala naman umanong masamang epekto ang paggamit ng iligal na droga.
Pagbabalik ng usaping Death Penalty
“Ilang massacres pa ang dapat nating hintayin?”
Ito ang iniwang tanong ni VACC Chairman Dante Jimenez sa panayam ng DWIZ kaugnay sa pagbabalik ng usaping death penalty.
Anya, ang nakakalungkot sa usaping ito, kung hindi lalabas sa media ay hindi rin umano pag-uusapan sa kongreso.
Katulad na umano nitong lumabas na Bulacan massacre.
Kaugnay nito, nakiusap si Jimenez sa kongreso na ipasa na ang panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan.
“Unang-una, matagal ko nang hinahamon ang kongreso na… pwede ba ipasa niyo na ang death penalty? Ilang massacre pa ba hihintayin niyo para ipasa ‘yan?”
Dapat na anyang ipasa ng kongreso ang naturang panukala base na rin sa mga sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte noong kampanya.
Dagdag pa ni Jimenez, hindi dapat maudlot ang pagpapasa nito dahil lamang sa ayaw ng simbahang katoliko.
Samantala, pinasaringan ni Jimenez ang Simbahang Katoliko na pumunta sa mga biktima ng Bulacan Massacre at bendisyunan ang mga ito nang walang bayad.
“Bakit hindi kayo pumunta doon? Bendisyunan ninyo ang mga patay dun. Baka singilin niyo pa yung pagbendisyon ninyo sa mga patay?”
By Race Perez | Balita Na, Serbisyo Pa Program (Interview)