Buo ang suporta ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption sa panukalang iparehistro ang mga prepaid sim cards.
Ayon kay Arsenio Evangelista, isa sa mga Board of Trustees ng VACC, malaking tulong ang panukalang ito para masagkaan ang pagdami pang mga krimen.
Sinabi ni Evangelista na malaki ang naging papel ng cellphone sa nangyaring pagpatay sa kanyang anak na si Venson Evangelista noong 2011.
“It will be a deterrent dahil hindi man ito 100 percent pero atleast merong percentage na malaki na i-deter ‘yan, ang ginamit na cellphone numbers sa akin siguro mga 3-4 or more than eh, iba-iba tapos coming from Tarlac, coming from Bulacan, Malolos, different sim cards siguro same person ang gumagamit eh, yun ang mabigat doon same person pero madaming nagagamit.” Ani Evangelista.
Iminungkahi ni Evangelista sa mga mambabatas na mag-imbita ng mga eksperto upang maplantsa at mapino kung anuman ang butas sa nakalatag na panukalang batas.
Kabilang na dito ang ibinibigay na dahilan ng mga telecommunications companies na mapupuno ang kanilang servers at databank kung lahat ng prepaid sim cards ay irerehistro.
Ayon kay Evangelista posibleng gumagawa lamang ng dahilan ang Telcos upang hindi mabuko ng gobyerno kung gaano karaming sim cards ang kanilang naibebenta.
***
Kontra
Samantala, tutol ang mga telecommunications company sa bill na naglalayong gawing requirement ang pagpaparehistro ng mga prepaid sim card sa bansa bilang isang anti-crime measure.
Ibinabala ng Philippine Chamber of Telecommunications Operators na posibleng ma-disenfranchise ang milyun-milyong subscriber sa oras na ipasa ang naturang panukalang batas.
Ayon kay Atty. Rodolfo Salalima ng Globe Telecom, nilabag ng Senate Bill 2677 ang right to telecommunicate sa ilalim ng United Nations Convention on Human Rights.
Wala pa naman din aniyang matibay na basehan o datos na nagsasabing epektibo kontra kriminalidad ang sim card registration.
Tila imposible ring makagpa-rehistro ng kanilang sim card ang ilang subscriber sa mga malayong probinsya dahil hindi naman lahat ng residente ay mayroong valid government ID.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Drew Nacino