Inihayag ng Department of Labor and Employment na kailangan pa ring isailalim sa validation ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang vaccination cards ng fully vaccinated returning Overseas Filipino Workers.
Nakasaad sa IATF Resolution No.123-C, item no. 3(ii), na dapat ay maipakita ng mga OFW na fully vaccinated sa bansa o sa labas man ng bansa ang kanilang opisyal na dokumentasyon o certificate of vaccination bilang patunay na nakumpleto na nila ang bakuna kontra COVID-19.
Bukod sa vaccine card o anumang patunay na bakunado na ang isang OFW, kailangan ding magpakita ng kanilang valid passport o travel document at beripikadong employment contract sa POLO offices sa kanilang host country.
Maaaring gawin ang aplikasyon para sa validation sa “onehealthpass portal.” —sa panulat ni Hyacinth Ludivico