Opisyal nang umarangkada ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas.
Gamit ang Coronavac ng Sinovac, si Philippine General Hospital (PGH) Head Gerardo Legaspi ang kauna-unahang nakatanggap ng legal o rehistradong bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Binakunahan si Legaspi ni nurse Sherlock Santos sa PGH kung saan matapos ay tumanggap ito ng certificate bilang patunay na nakatanggap na ito ng bakuna.
Sumunod na nabakunahan si Dr. Edsel Salvana ng Department of Health Technical Advisory Group pati sina food and drug administration director general Eric Domingo at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
Nabakunahan na rin si National Task Force Deputy Implementer Sec. Vince Dizon kabilang ang ilan pang doktor at healthcare worker sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Santirium sa Caloocan.
Nakatanggap na rin ng bakuna si defense Chief Delfin Lorenzana kasama ang 30 mga sundalo at health worker sa V. Luna Medical Center.
Magugunitang nakatanggap nuon ng bakuna ang ilang opisyal ng gobyerno kabilang ang ilang miyembro ng Presidential Security Group ngunit naging kontrobersiyal ito dahil sa hindi awtorisado ang ginamit bakuna.