Dapat tiyakin ang pagbabakuna sa publiko laban sa COVID-19 at pagkayod ng gobyerno para sa sapat na vaccine supply at wastong pagpapatupad ng vaccination program upang makamit ang herd immunity.
Ito ang suhestyon ni Senador Panfilo Lacson para malampasan ng bansa ang pandemya at ang epekto nito sa ekonomiya.
Ayon kay Lacson, dapat ding tapatan ng publiko ng pagtitiwala ang bakuna bilang tamang proteksiyon sa pandemya.
Pinuna rin ng Senador ang makupad na kilos ng mga otoridad sa pagpapatupad ng vaccine passport program para sa kaluwagan sa local at international travel makaraang mapag-alaman niyang plano pa lamang ito.
Una nang ipinanawagan ng mambabatas sa gobyerno na ikonsidera at tratuhin nitong tulong ang hakbang ng private sector upang makabili ng bakuna at maging transparent sa pondo sa paglaban sa pandemya.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno