Bumababa na ang vaccination numbers sa bansa simula pa noong Nobyembre.
Inamin ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa katunayan ay lima hanggang anim na milyon na COVID-19 vaccine doses na lamang ang ituturok ngayong Marso.
Noong isang taon anya ay problema ang supply pero nagsisimula nang magkaroon ng demand issue dahil gumaganda na ang kalagayan ng bansa, indikasyong nagiging kampante ang mga mamamayan sa pagpapabakuna.
Ayon kay Galvez, mayroong patuloy na pagbaba ng daily vaccination output bunsod ng mababang turn-out sa pagtuturok ng booster sa kabila ng mataas na porsiyento ng vaccine willingness na 80%.
Sa ngayon ay aabot na sa mahigit 139 million COVID-19 vaccine doses na ang naiturok habang 64.6 million na ang fully vaccinated.
Samantala, mayroong good turn-out ang pediatric vaccination na 8.7 million fully vaccinated para sa mga edad dose hanggang disi syete at 1.2 million first dose ang naiturok para sa lima hanggang labing-isang taon.