Nananatili pa ring mababa ang vaccination rate ng bansa kaya’t mas mainam na panatilihin ng publiko ang pagsunod sa minimum health protocols.
Ito ang payo ng Philippine College of Physicians (PCP) sa pamahalaan kasunod ng pagluluwag nito sa ipinatutupad na health protocols sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Dr. Maricar Limpin, pangulo ng PCP, wala pang 10% ng populasyon ang nababakunahan kontra COVID-19 kaya’t walang dahilan para magluwag.
Partikular na pinayuhan ni Limpin ang mga senior citizen na manatili sa bahay kahit bakunado na lalo pa’t kung wala namang mahalagang pakay para lumabas.
Mariin ding tinutulan ni Limpin ang mungkahing itigil na ang pagsusuot ng face shield dahil malaki aniya ang naidaragdag nito sa proteksyon kontra sa virus.