Pansamantalang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Pateros ang isa sa kanilang vaccination site matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang health workers.
Ayon kay Pateros mayor Miguel “Ike” Ponce III, ang Villa Monica Clubhouse ay sarado at sa ngayon ay dalawang vaccination centers lamang ang bukas para sa mga magpapabakuna.
Aniya, ang kakulangan sa health workers ang dahilan kung bakit sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang first dose vaccination.
Sa kabila nito, sinabi ng alkalde na naabot na ng lungsod ang 100% ng target population na mabakunahan ng first dose at 70% ng target population para sa second dose.
Sa ngayon ay mayroong 400 aktibong kaso ng COVID-19 sa Pateros, at dahil dito ay nakatakdang magpatupad ng granular lockdown ang lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico