Naniniwala ang Department of Justice o DOJ na dapat bawiin ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) ang desisyon nitong pagbasura sa mga kasong kriminal nina Chinese businessman Chen Ju Long o mas kilala bilang Richard Tan at iba pa nitong kasabwat, kaugnay sa pagkakadiskubre ng P6.4 bilyong halaga na shabu shipment noong nakalipas na taon.
Sa inihaing motion for reconsideration ng DOJ na may petsang Disyembre 27, 2017, nais nilang baguhin ng Valenzuela RTC Branch 171 ang naging ruling nito na nagpapawalang sala kina Tan, Manny Li, Kenneth Dong Yi, customs fixer Mark Ruben Taguba II at walong (8) iba pa.
Giit ng DOJ, mayroong hurisdiksyon at kapangyarihan ang Valenzuela RTC na dinggin ang kaso dahil nadiskubre ang mahigit anim na raang (600) kilo ng shabu sa isang bodega sa Valenzuela City na pag-aari ni Tan na chairman ng Philippine Hongfei Logistics Group of Companies Inc.
Paliwanag ng DOJ, pumasok at dumaan lamang sa manila International Container Port ang illegal drug shipment, ngunit hindi ito doon nasabat, kundi sa lunsod ng Valenzuela.
Matatandaang noong Desyembre 12 ng nagdaang taon, pinawalang sala ni Presiding Judge Maria Nena Santos sina Tan at iba pa, dahil sa umano’y ‘lack of jurisdiction’.