Gender-biased.
Reaksyon ito ni House Deputy Speaker Romero Quimbo, hinggil sa panukala ni Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe na patawan ng sampu hanggang tatlumpung porsyentong buwis ang mga produktong may kinalaman sa pagpapaganda, sa halip na excise tax sa mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng programang Balita Na Serbisyo Pa sa DWIZ, sinabi ni Rep. Quimbo na isang daang porsyento na gumagamit ng vanity products ay mga kababaihan na kung saan makikita nang may gender-biased ang pagkakaroon ng vanity tax dahil ang matatamaan nito ay ang mga kababaihan at hindi ang mga kalalakihan.
“Tignan din natin yung konteksto kung bakit nasabi yun ni Cong. Rodel, ang sinasabi nya lang naman na imbes na napakaraming gustong buwisan ang ating pamahalaan ngayon, baka pati tubig bu-buwisan nila. Sinasabi niya, unahin na lang yung mayayamang nag mi-makeup at saka yung nagpapa-plastic surgery pero sabi ko nga parang hindi tama yung response because ang almost ang hundred percent na gumagamit ng tinatawag natin na vanity products ay kababaihan, ang mangyayare diyan ay may gender-biased yung batas dahil ang matatamaan ay mga kababaihan lamang at hindi ang kalalakihan at sa tingin ko napaka-hirap i-implement nito as a tax measure”, pahayag ni Rep. Quimbo.
Inihalimbawa ni Rep. Quimbo ang mga babaeng nagtatrabaho bilang security guard kung saan obligado silang mag-makeup at sinabi rin niyang hindi ito magiging patas sa mga kababaihan.
“Kahit mga security guard ay required na magsuot ng makeup, ng lipstick, ibig sabihin kahit mga minimum wage worker na nagtatrabaho sa shoemart ay sila din, hindi sya choice its already a necessity for many, sa tingin ko unfair lalong-lalo na matatamaan ay mga kababaihan”, ani Rep. Quimbo.
Maliban sa cosmetic products gaya ng lipstick at makeup, isinusulong din na patawan ng vanity tax ang mga serbisyo tulad ng whitening treatment, liposuction, noselift, facelift at iba pa.
Rep. Quimbo pinabu-buwag na ang Bureau of Customs
Pinasaringan naman ni Rep. Quimbo ang isyu ng korapsyon sa ahensya ng gobyerno partikular na sa Bureau of Customs o BOC, kung saan sinabi nya na gusto niya itong buwagin at magtayo na lang ng panibago.
“Tingin ko kahit kalahati lang ng init diyan ay talagang matatakot at madidisiplina yung mga tao diyan pero sabi ko nga ang tingin ko diyan if you want political will we’re better off creating a new agency that will man customs or we will privatize it, right now ginawa na ng ibang bansa yan na talagang hindi na nila ma-correct ang korapsyon, binuwag na lang nila at nagtayo sila ng panibago”, ayun kay Rep. Quimbo.
“Sa totoo lang, oo (buwagin na lang ang BOC), wala nang dapat pag usapan diyan (sa BOC), wag na tayong maang-maangan pa”, dagdag pa ni Rep. Quimbo.
By: Meann Tanbio / Race Perez
Credits to: Balita Na, Serbisyo Pa program sa DWIZ mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido