Pagkakalooban ng pamahalaan ng value added tax refund ang mga dayuhang bibisita sa bansa simula sa 2024.
Ito’y matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng VAT program para sa mga ito na layuning mas makahikayat pa ng maraming turista para bumisita sa bansa.
Batay sa programa, ang mga dayuhang turista ay makakakuha ng VAT refund sa mga binibili nilang produkto sa Pilipinas.
Maliban dito, inaprubahan ni PBBM ang paglulunsad ngayong taon ng online visa para sa mga Chinese, Indian, South Korean at Japanese tourists habang aalisin na rin ang One Health Pass (OHP) para sa immigration at customs.
Nabatid na ang VAT Refund Program at e-visa ay bahagi ng “Quick Wins” recommendations ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group sa Pangulo.
Sinasabing layon ng Quick Wins proposal ng PSAC na mas mapaigting pa ang tourism industry sa bansa.
Samantala, sinabi rin ng PSAC officials kay Pangulong Marcos na pinaplantsa na rin ang pagkakaroon ng mobile app na tatawaging e-Travel kung saan pag-iisahin na ang mga impormasyon sa immigration, customs, health, at quarantine.
Ayon sa PSAC, inaasahang simula sa buwan ng Pebrero ay magagamit na ang nasabing app.
Maaaring mag-fill up ng form ang mga turista sa pamamagitan ng app bago sumakay o habang sakay ng eroplano basta’t mayroon silang internet connection.
Napag-alaman na ang PSAC ay binubuo ng mga business leaders at industry experts na nagbibigay ng technical advice sa Presidente.