Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi na gagamitin sa mga susunod na eleksyon ang mga Vote Counting Machines (VCMs) ng Smartmatic.
Kasunod ito ng mga reklamo hinggil sa mga nasira at naglokong VCMs sa iba’t ibang polling precincts sa bansa.
Ayon Comelec commissioner Marlon Casquejo, ito na ang huling beses na gagamitin ng kanilang ahensya ang mga nasabing makina na unang ginamit noong taong 2010.
Sa huling datos ng Comelec nasa 940 na ang bilang ng problema sa pagkakaroon ng paper jam; 606 ang na-reject na mga balota; 158 ang naging problema sa mga VCM scanner; 87 ang mga VCM na ayaw mag-imprenta; at 76 naman na mga VCM ang hindi maayos ang pag-iimprenta.
Bukod sa naging aberya sa mga VCM, problema din ang kawalan ng kuryente sa mga polling precinct sa ilang lugar sa bansa kabilang na Navotas, Valenzuela at Marawi dahilan para maantala ang botohan.
Samantala, sinabi naman ni Casquejo na kanilang hihilingin sa Kongreso na magkaroon ng karagdagang pondo para sa pagbili ng mga bagong makina para sa susunod na eleksyon.