Dapat pangunahan mismo ni House Speaker Lord Allan Velasco at ibang mambabatas ang pagsasapubliko ng kanilang mga Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) at gawing madali ang paghingi ng kopya nito ng publiko.
Ito ang reaksyon ni Institute for Political Reform (IPER) Executive Director Ramon Casiple sa harap na rin ng inihaing resolusyon nina Anakalusugan Partylist Rep Mike Defensor at Sagip Partylist Rep Rodante Marcoleta na humihiling na magkaroon ng House Inquiry in aid of legislation ukol sa kasalukuyang batas kaugnay sa paghahain ng SALN ng mga government officials and employees.
Ang resolusyong nina Defensor at Marcoleta ay nag-ugat sa naging pagbasura ng Korte Suprema sa mosyong nag-aatas kay Associate Justice Marvin Leonen na iprisinta ang kanyang SALN na sakop mula nang magturo ito bilang faculty member ng University of the Philippines (UP).
Dahil hindi nailabas ang SALN ni Leonen ay hiniling nina Defensor at Marcoleta na magkaroon ng House Inquiry ukol dito sa batayang karapatan ng bawat Filipino na malaman ang SALN ng mga public official.
Bwelta naman ni Casiple ang Kamara ang syang dapat maging ehemplo sa pagsunud sa batas hinggil sa SALN.
“sa SALN ang concept talaga dyan ay para answerable ang mga public official, kaya ang principle na sinusunod ay accessible dapat yung SALN na yan. Hindi na dapat pang pagdebatehan kung nararapat bang ilabas o maisapubliko ang SALN ng mga nasa gobyerno.Bakit ka nagkaroon in the first place ng ganung klaseng concept ng SALN kung hindi available?”paliwanag ni Casiple.
Kung mayroon din umanong dapat na maging bukas sa kanilang SALN, ito ay walang iba kundi ang limang pinakamatataas na opisyal sa gobyerno kabilang na sina Pangulong Duterte, Vice President Leni Robredo, Senador Vicente Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Diosdado Peralta.
Ang paglalabas ng SALN ay isa sa pinakamalaking hamon sa mga elected at government official, bagamat obligado ang mga nasa gobyerno na magsumite kada taon ng SALN ay hindi naman nailalabas ito, sa Kamara halimbawa, ang record ng SALN ay guwardiyado pa ng CCTV.
Hindi rin ganun kadali ang paghingi ng kopya nito, sa ilalim ng House Resolution 2467, sinumang nagnanais na magka-access sa SALN ng mga mambabatas ay dapat may final approval ng House Plenary.
Kaya nangangahulugan na bago pa man pumayag ang isang kongresista na ibigay ang kanyang SALN ay kailangan na ideliberate muna ito ng Committee on SALN Review and Compliance at aalamin sa requesting party ang dahilan at kung saan gagamitin ang SALN.