Binasag na ni Congressman Lord Allan Velasco ang katahimikan nito sa isyu ng term sharing sa house leadership.
Ayon kay Velasco, pinili na niyang manahimik simula pa lamang nang mabuo ang gentleman’s agreement nila ni House Speaker Alan Peter Cayetano bilang respeto na rin dito.
Subalit, nilinaw ni Velasco na ang pananahimik niya sa usapin ay hindi nangangahulugang hindi na siya interesado o tinalikuran na niya ang term sharing agreement nila ni Cayetano.
Bilang paggalang din sa kanilang kasunduan, sinabi ni Velasco na hindi niya hinangad na makipagkumpetensya kay Cayetano dahil naniniwala siyang may tamang panahon na nakalaan para sa kanya.
Hindi naman aniya tamang gawing sukatan sa kanyang leadership style ang tahimik na pagta trabaho at pagsuporta sa administrasyon pati na rin ang pagsasakatuparan sa legislative agenda ng Pangulong Rodrigo Duterte.