Dapat umanong maging huwaran ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa lahat ng opisyal ng pamahalaan hinggil sa pagsasapubliko ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
Ito’y ayon kay Institute for Political Reform Exec/Dir. Ramon Casiple bilang reaksyon sa inihaing resolusyon ng ilang mga mambabatas na humihiling na magkaroon ng pagsisiyasat hinggil dito.
Nag-ugat ang inihaing resolusyon na ito nila Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta makaraang ibasura ng Korte Suprema ang isang mosyong nag-aatas kay Assoc. Justice Marvin Leonen na ilahad sa kanyang SALN ang mga kinita nito mula nang magturo siya bilang faculty member ng University of the Philippines (UP).
Giit ni Casiple, kung mayroon din umanong dapat na maging bukas sa kanilang SALN, ito ay walang iba kundi ang limang pinakamatataas na opisyal sa gobyerno kabilang na sina Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Leni Robredo, Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Diosdado Peralta.