Pinabulaanan ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco ang ulat na pinangungunahan niya ang isang kudeta laban kay House Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Velasco, patuloy niyang iginagalang ang napagkasunduan nila ni Cayetano kasama si Pangulong Rodrigo Duterte na hatian sa termino sa pagka-house speaker.
Wala aniya siyang planong sirain ang nabanggit na kasunduan.
Iginiit ni Velasco na posibleng ipinalulutang lamang ang nabanggit na isyu para hatiin ang mga kongresista, magulo ang kanilang mandato at madiskaril ang isinusulong na legislative agenda ng Pangulo.
Una nang sinabi ni House Speaker Cayetano na nagpaplano ng kudeta laban sa kanya si Velasco kung saan ginagamit nito ang isyu sa franchise renewal ng ABS-CBN at pambansang pondo.