May karapatan si Marinduque Representative Lord Allan Velasco na tumakbo bilang speaker ng mababang kapulungan ng kongreso.
Ito’y ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ang naging tugon ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Velasco nang humingi ng permiso ang mambabatas para tumakbo bilang speaker.
Sinabi ni Roque, mismong si Velasco ang humiling na makapulong ang Pangulo na ginanap sa Malakanyang, pasado alas-10 noong Lunes ng gabi.
Ani Roque, wala na siyang iba pang maibibigay na detalye maliban sa sinabi ni Pangulong Duterte na may karapatan si Velasco na tumakbo sa speakership.
Alinsunod na rin aniya ito sa naging kasunduan sa pagitan nila Velasco at House Speaker Alan Peter Cayetano.
Una nang sinabi ni Roque na nais ng Pangulo na dumistansiya sa isyu ng House Speakership dahil isa itong panloob na usapin.