Suportado ni House Speaker Lord Allan Velasco ang panukala ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ilagay na sa modified general community quarantine (MGCQ) ang buong bansa simula sa Marso.
Ayon kay Velasco, dapat nang simulan muli ang pagbangon ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagsuporta o pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga negosyo sa bansa na mayroong tiyak na pagsunod sa mga health protocols na itinakda ng gobyerno.
Ani Velasco, sa tingin niya ay oras na para luwagan ang pandemic restrictions ng bansa nang mayroon pa ring pag-iingat upang maibsan na ang matinding epekto ng pandemya sa ekonomiya ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Velasco, dahil paparating na rin ang bakuna sa bansa, mabuting hikayatin ang publiko na tumulong na ibalik muli sigla sa ekonomiya ng bansa.