Magpapalabas ng letter of inquiry ang Department of Agriculture (DA) sa mga vendors sa Metro Manila na hindi sumusunod sa inisyung suggested retail price (SRP) sa baboy, manok at iba pang agricultural products.
Kasunod na rin ito ng mga sumbong sa DA hinggil sa mga palengke sa Metro Manila na hindi sumusunod sa inilabas na SRP ng ahensya.
Ayon kay Agriculture spokesperson assistant secretary Noel Reyes, nais nilang mabatid mula mismo sa mga nagtitinda kung bakit mataas pa rin ang benta nila partikular sa karneng baboy na dapat ay nasa P190.00 lamang ang presyo kada kilo.
Nais aniyang matukoy ng DA kung ano ang dahilan ng mataas na presyo sa gitna na rin nang patuloy na monitoring nila katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan ang presyuhan ng karneng baboy sa mga palengke sa Metro Manila.
Sinabi ni Reyes na mula sa farm gate ay dapat na P50.00 lamang ang pinakamataas na patong sa presyo ng kada kilo ng baboy.