Maglalaan si Pangulong Rodrigo Duterte ng bahagi sa kanyang SONA o State of the Nation Address para idepensa ang aniya’t ligalidad ng verbal agreement o kasunduan kay Chinese President Xi Jinping.
Kaugnay ito ng pagbibigay ng pahintulot sa mga Tsino na mangisda sa loob ng EEZ o Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Pangulong Duterte, kanyang tuturuan ang lahat kaugnay ng ligal na aspeto ng kaniyang naging pakikipag-usap kay Xi.
Iginiit pa ng punong ehekutibo na wala siyang nilalabag sa konstitusyon na katulad ng binabanggit ng kanyang mga kritiko.
Kasunod nito, sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang i-deploy ng United States ang buo nitong seventh fleet sa South China Sea para pangunahan ang pagpapatigil sa militarisasyon at pagpapaalis sa China sa South China Sea.
“Wala akong kasalanan diyan sa konstitusyon. Maniwala kayo. Kaya kung makinig kayo diyan sa mga maingay…kaya ako, I have a proposal, kung gusto talaga ng Amerika na paalisin ang China, hindi ko man kaya, manghingi ako ng tulong sa kanya. I want the 7 fleet of the Armed Forces of the United States there. I will ride doon sa Amerikano na mauna doon sa ano…. I will invite Carpio, Del Rosario and Morales to ride with me then sasabihin ko sa Amerikano “sige ! pasabugin na natin lahat !” — Pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.