Rerepasuhin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang Philippine Overseas Labor and Office (POLO) verification guidelines sa gitna ng pansamantalang suspensyon ng pag-proseso ng deployment ng bagong household service workers sa Saudi Arabia.
Ito, ayon kay POEA Administrator, Atty. Bernard Olalia, ay upang hindi na maulit ang pang-aabuso ng mga employer sa mga Filipino Household Service Worker sa nasabing bansa.
Kabilang sa inihalimbawa ni Olalia ang kaso ng household service worker sa Saudi Arabia na hindi nakalagay ang kumpletong pangalan at address ng kanyang amo sa employment contract.
Dahil anya rito ay inilipat ang naturang household service worker sa blacklisted employer.
Ipinag-utos naman si Labor Secretary Silvestre Bello, III sa POLO na pansamantalang itigil ang beripikasyon ng bagong domestic workers.
Alinsunod sa memorandum, hindi kabilang sa deployment ban ang mga domestic at skilled worker na nag-renew ng kontrata. —sa panulat ni Drew Nacino