Nadamay ang isang dating mamamahayag at tagapagsalita ng SSS o Social Security System sa insidente ng pananaksak sa Pasay City na ikinamatay nito at 5 iba pa.
Napag-alamang nagja-jogging si Joel Palacio kasama ang kanyang maybahay nang madaanan lamang sila ng suspek at bigla silang pinagsasaksak.
Nasawi sa insidente si Joel Palacio samantalang nasugatan naman ang kanyang misis na nasa ligtas nang kalagayan.
Ayon kay Chief Superintendent Oscar Albayalde, hepe ng PNP-NCRPO, nagsimula lamang ang insidente sa away ng dalawang magkarelasyon na sina Emelyn Sagun at suspek na si Alberto Garan.
May dala anyang treinta’y otsong baril si Garan na ipinukpok niya kay Sagun matapos itong hindi pumutok.
Sa kabuuan ay lima ang napatay ni Garan bago ito napatay ng mga rumespondeng pulis.
“Hinulog niya doon sa may 16th floor (ang karelasyong si Emelyn), paikot ang stairs eh, so merong bakante sa gitna hanggang doon sa basement nalaglag yung biktima, from the 16th floor, hindi po natin maintindihan dahil lahat ng madaanan niya ay pinagsasaksak niya, mula sa 16th floor ay umakyat siya, 17, 18 hanggang sa makuha siya sa 22nd floor, lahat ng madaanan niya ay pinagsasaksak daw po niya.” Pahayag ni Albayalde
By Len Aguirre / Ratsada Balita Interview