Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi gugulong ang release order ni US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton hangga’t may nakabinbing mosyon kontra rito ang pamilya ng Pinay transgender na si Jennifer Laude.
Ito ang inihayag ni DOJ Spokesman Usec. Markk Perete makaraang sabihin nito na ginamit ng kampo ni Pemberton ang Visiting Forces Agreement (VFA) para gawaran siya ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ayon kay Perete, dahil sa dayuhan ang akusado at may umiiral na kasunduan, ang korte aniya ang may poder para gawaran ito o hindi ng GCTA.
Subalit kung ordinaryong sentensyado aniya ang pag-uusapan, sinabi ni Usec. Perete na ang Bureau of Corrections (BuCor) ang nagbibilang ng GCTA sa mga ito.
Magugunitang naging kontrobersyal ang VFA sa pagitan ng Pilipinas at Amerika makaraang ipatigil ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pangingialam ng Amerika sa usaping panloob ng Pilipinas.
Subalit ipinatigil din ito ng Pangulo makalipas ang anim na buwan dahil sa umiiral na pandemiya ng COVID-19 sa buong mundo.