Ipinauubaya na ng Department of National Defense (DND) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging kapalaran ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ito’y ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana sa harap na rin ng nagpapatuloy na negosasyon sa pagitan na rin ng dalawang bansa sa ilalim ng bagong administrasyon ni U.S. President Joe Biden.
Pero kung si Lorenzana ang tatanungin, pabor siyang manatili ang VFA dahil nagsisilbi itong instrumento para magpatuloy ang pagpapatatag ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa aspeto ng military interoperability.
Mahalaga rin ayon sa kalihim na walang miscalculations na mangyari gayundin ang aksidente sa South China Sea sa sandaling mawala ang Amerika bilang tagapamagitan ng China, Pilipinas at iba pang bansang may claim sa mga pinag-aagawang teritoryo.