Nanawagan na ng tulong sa pamahalaan ang Occidental Mindoro dahil sa problema sa kuryente sa lalawigan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Occidental Mindoro Vice Governor Diana Apigo Tayag, na nakararanas ng mahabang rotational brownouts ang lalawigan dahil sa power crisis, kung saan apat na oras na lamang aniya silang mayroong kuryente.
Iginiit pa nito na maging ang mga paaralan at pagamutan sa Occidental Mindoro ay apektado na ng power crisis.
Kaugnay nito, sinabi ng bise gobernador na lumiham na sila sa National Power Corporation (NAPOCOR) upang matugunan ang nasabing problema sa lalawigan.
Paliwanag pa ni Vice Governor Tayag na layon nang idineklarang state of calamity sa Occidental Mindoro na magamit ang calamity fund upang maipagpatuloy ang serbisyo-publiko partikular sa mga ospital.